Halos hindi ko namalayan subalit isang linggo na pala ang nakalipas ng ako ay muling tumapak sa pinakamamahal na lupain ng Pilipinas. Matapos ang mga taon ng pangingibang-bansa, ang mga bakasyon na sandalian lamang, narito ako para tumigil at harapin ang buhay na hindi ko alam kung ano ang hatid sa akin.
Bakit ka uuwi? Ano ang gagawin mo? May lilipatan ka bang ibang trabaho? Mga tanong ng mga kaibigan, kakilala at kasamahan. Mga tanong na pinapasubalian ko na lamang ng isang sagot na ang kaanyuan ay sumasalamin sa aking pagnanasang maka-amot ng pahinga para sa aking katawang lupa na nilulukuban ng katamaran. Kasawaan. Kabugnutan.
Sa isang linggong nakalipas, iisang pagkakataon pa lamang na ako ay lumabas. Iyon ay upang bumili ng mga kailangan sa mga bagay-bagay na ginagawa kong pag-aayos ng aking tahanan. Ang tahanang ito na pinangarap ko at pinaghirapan upang mabuo. At ngayon ay nagbibigay sa akin ng kanlungan sa pagbuhos ng malakas na ulan dulot ng sunod-sunod na bagyo. Ang tahanang ito na tuwing titingnan ko at dadamahin ang katotohanan ay nagpapa-alala sa akin ng maraming taon ng pagpupunyagi sa ibayong dagat.
Bawat hakbang sa hagdan ay parang bilang ng mga taon ng aking pagpupunyagi. Bawat dingding ay paalala sa mga pagkakataong kailangan kong maging matibay at matatag. Bawat pinto ay nagpapa-alala ng mga pagkakataong umangat sa bawat pagsubok. Bawat bintana ay sumisimbolo sa mga panahon na ako ay tumitingin sa malayo upang matawiran ang mga suliranin na nasa aking harapan lamang. Bawat sulok ay kumakatawan sa mga madidilim na panahon na ako ay pumapasan ng bigat ng pagiging isang dayuhang manggagawa.
Kung kaya’t ako’y dumadalangin na inyong maunawaan kung ako’y walang maibahaging nakalulugod sa inyong mga pandinig sa ngayon. Sabihin pa’y aking ninanamnam ang pagkakataon na una kong makita ang katuparan ng aking pangarap. Kung kaya’t kahit paglilimayon sa ibang dako ay hindi ko pa magawa. Maaring sa mga susunod na araw ako’y paparoon din sa mga dako na yon. Upang may maibalita naman ako sa aking mga kaibigan na naiwan sa Gitnang Silangan.
Sa ngayon, huwag ninyong iisipin na ako ay nalulungkot. Iyan ay isang malaking kabalintunaan. Datapwa’t napakataas ng halaga ng bawat bilihin, ang isang tumpok ng isda ay maituturing nang kayamanan at ang palitan ng dolyar ay patuloy na bumababa, nais ko lamang ipaabot sa inyo na ako ay labis na natutuwa sa aking kinalalagyan ngayon. At dalangin ko sana ay sapitin din ninyo sa lalong madaling panahon ang nakalulugod na pakiramdam na makita ang mga bunga ng inyong pagpupunyagi.
Alalaun baga, bago lumipas sa aking ala-ala, pinaa-abot ko sa inyo na walang masamang kaganapan na sumapit sa akin. Hindi ako nadulas sa palikuran at nauntog ang ulo sa dingding. Hindi rin ako nilukuban ng masamang espiritu. Mahusay na mahusay ang aking katinuan. Ganito lamang ako dahil tinitimo ko sa aking puso at kaisipan na… haller…buwan kaya ng wika ang August! Kaya magpugay tayo kay lolo Quezon. Duh! (aray, dumugo yata ang utak ko sa pag-iisip nitong post ko! Hahaha)
1 comment:
balik ka na dito at kain ulit tayo ng salmon sa applebee's. :-)
jonas
Post a Comment