Isa pa, kaligayahan ko na makita kang masaya pag marami kang pang-bingo at pang-taya sa jueteng. Masaya akong nakita kang kumakain ng masarap. Nakakatulog ng mahimbing. Yon nga lang, nagpa-aircon pa ako pero ayaw mo dahil madali kang ginawin. Electric fan nga minsan ayaw mo pa.
Tuwang-tuwa akong ipasyal ka sa mga mall at ibili ng mga magagandang damit. Pati bag at sapatos . Madalas nga lang tinatago ko ang tag price dahil pag nakita mong mahal ayaw mo na. Masaya din ako pag kumakain tayo sa labas. Yong nakikita kitang enjoy na enjoy tikman ang lahat ng mga pinag-oorder ko. At natutuwa ako pag nagdadampot ka na kaliwa’t kanan sa grocery. Masakit sa bulsa pagdating sa bayaran. Pero magaan ang pakiramdam ko dahil alam kong masaya ka.
Hindi na lang kita dinadalhan ng mga alahas nitong mga huling uwi ko. Lagi mo kasing sinasangla. Pero masaya ka naman dahil dollars ang pasalubong ko sa yo. At kahit hindi na kita maipasyal sa ibang bansa, alam ko, kahit paano masaya ka dahil naipapasyal kita dyan sa paligid ng bahay natin. Nararamdaman ko naman na kampante ka pag ako ang nagtutulak ng wheelchair mo habang turo ka ng turo at nakikialam sa mga bahay at bakuran ng mga kapit-bahay natin.
Sa kabila ng mga naibigay ko sa iyo, alam kong marami pa rin akong pagkukulang. Higit sa materyal na bagay, malaki ang kakulangan kong kahit kailan ay hindi ko na mapupunuan. Yon ay ang mga oras na naaalagaan kita. Dahil kailangan kong umalis para maghanap-buhay. Kaya mas marami pa ang mga araw na nagkakausap lang tayo sa telepono kesa sa nagkukwentuhan tayo ng personal. Mas marami yong araw na iba ang nagpapa-inom sa iyo ng gamot na kadalasan hindi mo sinusunod. Mas madalas na iba ang nagpapakain sa iyo at nagpapalit ng damit lalo na pag may sakit ka. At kakaunti yong araw na ako mismo ang magdadala sa iyo sa doctor dahil hindi ka naman papayag ng kung sino lang ang kasama. Sa akin ka lang sumusunod at naniniwala. Pasensya ka na at hindi ko nagampanan lahat yan.
Nakukulangan pa rin ako sa uri ng buhay na naibigay ko sa iyo. Noong bata pa kasi ako alam mo naman kung gaano kataas ang pangarap ko. Gusto ko noon yumaman ng bonggang-bongga para maging Don Reynaldo at Donya Semprosa kayo ni Tatay. Yon nga lang, ito lang ang inabot ko. Kinapos ang ambisyon. Pagpasensyahan mo na.
Pagpasensyahan mo rin kung dati may mga pagkakataon na inaaway kita. Pasaway ka rin naman kasi. Manang-mana ka sa akin. Yon nga raw ang epekto ng pagi-spoil ko sa yo. Dati nga noon sinusubukan pa kitang tiisin. Hindi kita kinakausap ng matagal. Pero alam mong ako rin ang sumusuko. Dahil gabi-gabi nag-aalala ako kung ano na ang kalagayan mo.
Ngayon wala ka na. Wala na akong tatawagan araw-araw para sabihan na huwag masyadong uminom ng softdrinks. Wala na rin akong sesermunan dahil hindi kumakain ng maayos at puro sitserya ang inaatupag. Wala na akong sasabihan na wag magbibili ng kung ano-anong nilalako ng mga kung sino. Wala na akong sasabihan na mag-ingat ka para sa akin. Wala ka na. Wala na akong mahal na Inay.
Saan ka man nandon ngayon, sana masaya at tahimik ka. At sana hanapin mo si Tatay. Pag nagkita kayo, sabihin mo miss na miss ko na sya. At lagi ninyong tatandaan, mahal na mahal ko kayo. Yan lang pagmamahal na yan ang pwede kong ipabaon sa inyo sa pagkakataong ito. Kasama ang dasal at hiling sa Panginoon na ingatan kayo sa kanyang piling. Kasama na rin ang pagpapasalamat na ipinahiram Niya kayo sa akin bilang mga magulang.
Paalam po mahal kong Ina. Hanggang sa panahon ng ating muling pagkikita.